Hummin': Chestnuts roasting...
Iba na ang simoy ng hangin. Lumalamig ang panahon na tila inihahanda ang bawat isa para sa narararapit na pagsapit ng Pasko.
Animo'y tubig sa linaw ang aking mga alaala ng mga nakaraang Pasko. Hindi lahat ay naging masaya. Hindi lahat nais kong maalala pa. Subalit, sa labing-siyam na Paskong aking nasaksihan, marami-rami rin ang hindi ko maaring kalimutan. Isa na rito ang alaala ng mga gabi sa harap ng C.O.D.
Kilalang-kilala itong maliit na mall na ito noong 90's dahil sa palabas nitong talaga nga namang dinarayo ng mga tao. Ipinapalabas kasi ang kwento ng pagdating ni Hesu Kristo sa mundo sa pamamagitan ng gumagalaw na mga mannequins.
Kakaiba.
Awtomatik.
Nakakaaliw.
Sisimulan ito sa pagpapakita ng malayong paglalakbay nila Jose at Maria papuntang Betlehem, kung saan isisilang si Hesus sa isang sabsaban. Naroroon ang mga tagapangalaga ng tupa, ang tatlong hari, mga anghel atbp. Kumpleto ang mga tauhan at may sound effects pa!
At, oo nga pala, LIBRE 'to!
Pagkatapos mapanood ang maiksing palabas habang buhat-buhat ng aking ama, bibili kami ng bagong luto na puto bumbong at bibingka. Mabango at umuusok-usok pa. Aagawin ng ate ko ang puto bumbong, akin naman ang bibingka. Aawatin pa kami ng ina ko dahil baka nga naman sa sobrang katakawan ay hindi kami matunawan.
Masarap. Walang kasing sarap ang mga pagkaing iyon.
Itong taong ito, wala nang C.O.D. na magdadala ng galak at tuwa tulad noong ako'y bata pa. Subalit masaya ako at nariyan pa ang aking pamilya at mga kaibigan kung saan nabubuhay ang mga alaala, at mga gagawin pang alaala ng mga Paskong hinaharap.
Sana ngayong Pasko, huwag nating limutin ang mga biyayang ating natanggap at huwag kaligtaang magpasalamat para sa taong nagdaan.
Maligayang Pasko sa inyong lahat!