Hummin': (LSS) Incomplete by BSB
Hindi ako maituturing na isang napaka-optimistikong tao pagdating sa kalagayan ng ating bansa. Ni hindi ako mabibilang sa mga may tiyagang magprotesta para sa di-makatuwirang pamamalakad ng ating pamahalaan.
Passive ako sabi nila. Palagi na lamang akong abstain sa botohan. Wala raw akong pakialam. Masakit pakinggan, pero mayroong mga butil ng katotohanan. Subalit, sa kabila ng kadalasang hindi pag-imik, masasabi ko pa rin na mahal ko ang Pilipinas.
Oo, nawawalan ako ng gana kapag usapang politika o ekonomiya ang ulam sa hapag-kainan. Ayoko kasing binabagabag ako ng mga isyung hindi ko masolusyonan. Pero minsan, kahit ang baba na ng standards of expectation ko sa mga namamalakad ng ating bansa, laging pumapalpak pa rin.
(Kung hindi ka nga ba naman maiinis sa mokong na 'to.)
Nagbabantay ako sa tindahan namin kaninang umaga nang may dumating na mamang may bigoteng kasing kapal ng pinagsamang kilay ni Peter Gallagher. Nilapitan siya ng isa naming katiwala at tinanong.
Yoly: Sir, anong kelangan nila?
Mr. Bigote: Mayroon ba kayong door lock?
Yoly: Meron po.
Mr. Bigote: Meron kayo yung mumurahin lang?
Yoly: Meron, Sir. Sistema ang tatak.
Mr. Bigote: Ay, 'wag iyon. Mahal pa rin iyon eh.
Yoly: Sir, eh ano po bang kelangan niyo?
Mr. Bigote: Iyong mumurahin. Kahit 'yung hindi masyado matibay, basta tatagal siya hanggang sa matapos iyong project. (Sabay ngisi ng malapad.) Kung masisira man 'yan, sana pagkaalis ko na.
Yoly: Eh saan po ba gagamitin?
Mr. Bigote: Sa proyekto ng gobyerno--kay General ito eh.
Yoly: Ah...sige po. Ito nalang ho. Mura.
Sino bang hindi pag-iinitan ng ulo nito? Mula sa pinakamababa hanggang sa pinakataas, lahat ng mga nangakong magseserbisyo sa bayan, eh nagnanakaw lang naman. Kahit kakaunti eh wala man lang malasakit sa mga dapat makinabang sa proyektong iyon.
Pero hindi pa iyon tapos.
Noong bayaran na ang usapan, hiningi nila sa amin ang pinaka-mataas na presyo ng door lock, (iyong imported pa ha) pagkatapos ay iyon ang ipinalagay nila sa listahan para sa reimbursement.
Ang gago 'di ba?
Kaya minsan, mas gusto ko na lamang ibaling ang aking tingin sa mga mas magagandang bagay. Sa ganoon, hindi ako nawawalan ng pag-asa.
Nakalulungkot. Nakakaawa. Nakakapanghinayang.
0 comments:
Post a Comment